Hon. Rafael “Ka Paeng” Mariano

Lider Magbubukid, Lider Anakpawis

Rafael "Ka Paeng" Mariano

Si Rafael Mariano, o mas kilala bilang “Ka Paeng” sa militante at progresibogn kilusan ng mamamayan ay sa murang edad ay naging buhay na saksi sa pangwawasak sa lupaing binubungkal at kahirapang dinaranas ng kanyang pamilya at ng uring magsasaka. Ito ay nagsilbing binhi sa kanyang paghahanap ng kasagutan at pagkamulat sa reyalidad ng mapagsamantala at mapang-aliping lipunan.

Isinilang noong Oktubre 24, 1956, siya ang panganay sa limang anak nina Tatang Isong (Narciso Mariano) at Inang Herming (Herminigilda Vitriolo). Si Ka Paeng ay nagmula sa pamilya ng maralitang magsasaka sa Barangay San Andres I, Quezon, lalawigan ng Nueva Ecija. Bunga nito, mabilis na namulat si Ka Paeng sa buhay, relasyon at ugnayan ng mga magsasakang tulad niya sa lupang kanilang binubungkal.

Naging katuwang ng kanyang mga magulang si Ka Paeng sa pagtratrabaho sa bukid kahit na ito’y nasa elementarya pa lamang tuwing Sabado’t Linggo at kung walang pasok. Katulad din ng milyun-milyong magsasaka sa buong bansa, mula pagsikat hanggang sa paglubog ng araw ay nililinang at pinagyayaman ng pamilya ni Ka Paeng sa pamamagitan ng kanilang pawis, luhat at dugo, ang lupang hindi nila pag-aari.

Si Ka Paeng ay isa ring mabuting asawa at huwarang ama sa kanilang tatlong anak ni Ka Lita (Estrelita Mariano) na tulad niya ay buong-panahong lider-magbubukid.

Mula 1953, ang pamilya ni Ka Paeng ay nanatiling tenante o kasama sa kapirasong lupang pagmamay-ari ng isang panginoong maylupa sa kanilang lugar. Sa mahigit 100 ektaryang tinatamnan ng palay at gulay, dalawang (2) ektarya dito ay binubungkal nina Tatang Isong at Inang Herming.

Sa tuwing sasapit ang anihan, kinakaltas ng panginoong maylupa ang kanilang utang pati na rin ang interes at iba pang gastos sa produksyon na kung saan ay halos wala nang natitira para sa kanilang pamilya.

Nagsisimula pa lamang si Ka Paeng kumuha ng kursong Bachelor of Science in Agriculture and Agri-cooperatives sa Wesleyan at Liwag Colleges sa Cabanatuan nang ito’y napilitang tumigil sa kanyang pag-aaral bunga ng karamdaman ng kanyang ama kasabay ng lumalaking pagkakautang nila. Bilang panganay, tangan niya ang responsibilidad ng kanyang ama at siya’y naging buong-panahong magsasaka.

“Nakita ko kung gaano pinagsasamantalahan ang mga magsasaka. Nagsimula akong magtanong kung bakit. Labis kaming nagpapakahirap subalit sinuklian pa ito ng ibayong kahirapan. Unti-unti, nakita ko ang ugat ng pagsasamantala’t pang-aapi at kung ano ang bulok sa sistema,” ani Ka Paeng.

Sa kalagitnaan ng dekada ’70, nagtayo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng flood control dike sa kanilang lugar na tumama sa baryo nina Ka Paeng. Ang National Irrigation Administration (NIA) ay gumawa ng irrigation canals sa kanilang lugar, na kung saan ang kanilang buong baryo na nasa pusod ng Talavera Riverside ay napalikas.

“Itinaboy kami mula sa lupa ng flood control dike. Ang aming mga panamin at kabahayan ay inilipat mula sa aming baryo tungo sa isa pa. Mula nang maitayo ang dike at irigasyon, ni hindi namin ito napakinabangan. Sa katunayan, ang pagbaha ng mga kanal ay nagresulta sa pagwasak ng aming mga pananim. Kung kaya’t nagpasya kaming labanan ang anti-mamamayang proyekto ng gobyerno,” wika ni Ka Paeng.

Sa edad na 20, nagpasyang lumahok si Ka Paeng sa organisasyon ng mga kabataan sa kanilang lugar, ang Bisig ng Kabataan, na aktibong lumahok at sumanib sa pakikibaka ng mga magsasaka. Dahil sa angking kakayahan bilang isang lider at malakas na inisyatiba, nahalal at pinamunuan niya ang organisasyon ng kabataan sa loob ng dalawang termino ng panunungkulan. Nahalal din siya bilang No. 1 Councilor ng kanilang baryo noong 1981.

Bunga ng kanilang pakikibaka laban sa anti-magsasakang dike at “irrigation canals”, nakita niya ang iba pang isyu at suliraning kinakaharap ng mga magsasaka at mamamayan sa iba pang baryo at sa probinsya. Ang realisasyong ito ay nagbunga sa pagkakatatag ng lokal na Alyansa ng Magbubukid (AM).

“Sa simula, iniisip ng magsasaka na ang kanyang mga suliranin ay naka-kahon sa kanyang baryo. Sa pamamagitan ng aming pagbibigkis-bigkis at sama-samang pagsusuri at pagkilos, namumulat kami na ang mga suliranin sa aming baryo at probinsya ay suliranin din sa iba pang lugar,” wika ni Ka Paeng.

Tangan ang diwa ng kolektibong pagkilos at kahalagahan ng pagiging organisado, ipinagpatuloy ni Ka Paeng ang pagkilos sa kilusang magbubukid at naging buong-panahong lider.

Resulta rin ng mga serye ng konsultasyon sa iba pang organisasyong magbubukid sa rehiyon ng Gitnang Luzon, naitatag ang Alyansa ng Magbubukid ng Gitnang Luzon (AMGL) noong 1984. Dito ay naglingkod si Ka Paeng bilang Second Regional Vice-Chairperson ng AMGL mula sa taong 1984.

Dahil sa paninindigang pinanday ng araro’t proseso ng pakikibaka, mabilis ang naging pag-unlad  ni Ka Paeng bilang isang lider-magbubukid. Ito’y sa gitna ng ibayong pagsulong at paglakas ng kilusang magbubukid sa buong bansa laban sa pasistang diktaturyang Marcos at sa pagkakatatag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) noong Hulyo 1985. Si Ka Paeng ang unang Pangkalahatang Kalihim ng KMP mula Hulyo 1985 hanggang Mayo 1990.

Nahalal at naglingkod din si Ka Paeng bilang Pambansang Pangalawang Tagapangulo ng KMP mula Mayo 1990 hanggang 1993. Noong Nobyembre 1993, siya ay nahalal na Pambansang Tagapangulo nito at muling nahalal sa ika-5 at ika-6 na Pambansang Kongreso bilang Pambansang Tagapangulo hanggang sa kasalukuyan.

Rafael "Ka Paeng" MarianoBilang tagapangulo ng KMP, isa si Ka Paeng sa matatag na naninindigan sa pagsusulong ng isang tunay at puspusang reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang solusyon sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa masang magbubukid at mamamayan. Aktibong nakilahok si Ka Paeng sa pagtatanggol sa karapatan sa lupa ng mga magsasaka sa lupain ng mga Araneta sa San Jose del Monte, Bulacan; Clark baselands sa Pampanga; Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas; sa Central Mindanao University sa Bukidnon, laban sa proyektong cassava ng San Miguel Corporation sa Cagayan Valley, para sa paghahanap ng katotohanan at katarungang panlipunan sa mga magniniyog na piniga ng coconut levy funds at nang marami pang kaso ng pangangamkam ng lupa sa buong bansa.

Maging sa gawaing internasyunal,  ipinamalas ni Ka Paeng ang pamumuno sa pakikibaka ng mga pinagsasamantalahang magbubukid at aping mamamayan ng buong daigdig. Siya ay aktibong kasapi ng International Coordinating Committee ng International League of People’s Struggle (ILPS) at siya ring  tumatayong co-coordinator at tagapagsalita ng International Alliance Against Agro-chemical Transnational Corporations. Sa kasalukuyan, si Ka Paeng ay nagsisilbing Co-chairperson ng PAN-AP Task Force on Food Sovereignty at pangulo ng Philippines-Korea Committee for Peace and Reunification in the Korean Peninsula.

Nahalal din si Ka Paeng bilang Pambansang Tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong Hulyo 1998 hanggang 2004.

Tangan ang sulo ng militanteng kilusang magbubukid, si Ka Paeng ay nagsilbing tunay na tinig at kinatawan ng uring manggagawa’t magsasaka at iba pang maralita sa parliyamento ng lansangan at naging karagdagang tinig sa loob ng Kongreso sa pangunguna ng Partidong Anakpawis.

Si Ka Paeng ay inihalal at nagsilbing kinatawan ng Partidong Anakpawis sa ika-13 Kongreso ng Mababang Kapulungan (2004-2007). Ilan sa mga tampok na panukalang batas ni Ka Paeng ay ang House Bill 2532 (Farmers Land Rights Act), HB 2591 (Farmers Security of Tenure Act) at HR 155 o pagbabasura ng Stock Distribution sa Hacienda Luisita at pagbasura sa iskemang SDO.

Sa panahon rin ng kanyang panunungkulan noong 13th Congress ay naging biktima siya ng pampulitikang panunupil. Kasama ng iba pang progresibong kinatawan, o ang tinaguriang Batasan 5, si Ka Paeng ay kinasuhan ng rebelyon ng gobyernong Macapagal-Arroyo.  Ngunit di ito nagpatalo sa represyong kinaharap, bagkus ito ay naging hamon upang lalo pang paglingkuran ang masang magbubukid hanggang sa kanilang napagtagumpayan at tuluyang binasura ang mga gawa-gawang kaso isinampa sa kanila.

Sa ngayon bilang pagpapatuloy sa laban ni Congressman Crispin “Ka Bel” Beltran sa ika-14 na Kongreso ng Mababang Kapulungan, patuloy na itinataguyod ni Ka Paeng ang interes ng mga masang anakpawis, sa pamamagitan ng masigasig at magiting na pagsusulong ng Tunay na Repormang Agraryo sa pamamagitan ng HB 3059 (Genuine Agrarian Reform Bill) o  GARB. Ito ay kumakatawan sa matagal nang panawagan at kahilingan ng mga magsasaka na magkaroon ng tunay na reporma sa lupa. Maliban sa GARB, naging aktibo rin si Ka Paeng sa pagtataguyod ng iba pang batas tulad ng HB 1722 (The P125 Daily Across-The-Board Wage Increase Act), HB 1724 (An Act Repealing RA 8479 or Downstream Oil Deregulation Act of 1998), HB 1725 (National Farmers Day), HB 3958 (Rice Industry Development Act of 2008), HB 5011 (Coconut Levy Funds Administration and Management Act of 2008) at pagtugon sa iba pang napapanahong isyu.

Aktibo ring lumalahok si Ka Paeng sa laban ng mga magsasaka maging sa labas ng kongreso lalong lalo na sa patuloy na pangangamkam sa lupa tulad ng kaso ng Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Villafuerte landgrabbing sa Bulacan, Veloso landgrabbing case sa Leyte at Hacienda Luisita sa Tarlac. Masikhay din ang paglalantad ng mga iba pang isyung anti-magsasaka tulad ng Laiban Dam Project, aerial spraying, contract growing, land use conversion, land lease deals at iba pa.

Sa kasalukuyan, si Ka Paeng ay inihalal rin na co-chairperson ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan. Ito ay upang isulong ang pulitika ng pagbabago na kung saan ang saligang nilalaman nito ay ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mamamayan sa pagtataguyod ng makabayan at demokratikong mga pagbabago sa larangan ng pulitika, ekonomiya at kultura.

“Mahigpit at mulat nating papaglingkurin ang ating magiging mga pagkilos sa larangang elektoral at maging sa loob ng reaksyunaryong kongreso para sa higit pang paglakas at pagsulong nang militanteng kilusang masa at sa pagtataguyod ng interes ng sambayanang Pilipino,” diin ni Ka Paeng.